Wednesday, September 5, 2018

PILOSOPIYA PILIPINAS: PAGGISING SA KAISIPAN NG BATANG FILIPINO

Makatutulong ba ang Pilosopiya na masanay ang mga batang Filipino na gamitin ang kanilang isip sa pag-iisip?
Kung ibabatay ko sa aking naging pag-aaral ng Pilosopiya gamit ng Dayalogo ni David Bohm sa mga batang nasa 10 hanggang 12 taong gulang, masasabi kong may kakayahan ang mga batang Filipino na magtanong at umunawa ng mga bagay-bagay na nangyayari sa kanyang pamilya at kapaligiran. Ang kakayahang ito ay mapalalawig pa, kung ito ay pakikinggang mabuti at hindi ipagwawalang-bahala ng mga nakatatanda. Huwag nating kalimutang ang mga bata ay patuloy na magtatanong dahil ito ay isa sa kanilang mga likas na katangian. Katangiang ayon sa mga naunang pananaliksik ay taglay na nila kahit na sa murang gulang na 4 na taon.

Naranasan na natin na tayo'y minsang tanungin nang isang bata ng katanungang hindi natin masagot o kaya naman ay naging atubili tayo sa pagsagot. Mga tanong na minsa'y nagparamdam sa atin ng tuwa. Kadalasan, hindi natin inaasahang manggagaling ang mga ganitong tanong sa isang musmos, ngunit nagagawa nilang ang matatanda'y mamangha.  Ang mga ganitong katanungan ay nangangahulugan na ang mga bata ay may pagnanais na intindihin ang mga bagay-bagay na naglalaro sa kanilang isipan. Ito ay isang senyales ng Pilosopiya sa murang kaisipan na kung bibigyan natin ng puwang at nararapat na atensyon ay makapagbibigay sa mga batang mag-aaral nang isang pagsasanay na makalilinang ng kanilang isipan.

Tulad ng mga tanog na:
Nakita nang isang 5 taong gulang na bata na tila naghihintay ng pagkain ang kanilang alagang pusa kaya naitanong niya sa kanyang Tatay:
"Tay', Nakapag-iisip ba ang mga hayop?"

Sa isang hapag-kainan,  isang 7 gulang na bata ang nagtanong sa kanyang Nanay:
"Nay', Bakit tayo nananaginip?"

Sa isang Science class na pinaguusapan ang Evolution Theory,
Tanong ng isang 10 taong gulang na estudyante:
"Kung ang tao ay galing sa unggoy, bakit may unggoy pa?"

Si Matthew Lipman ay isang alagad ng Pilosopiya. Siya ang nagtatag ng Philosophy for Children noong 1972. Batay sa kanyang mga naging pag-aaral ng P4C o Philosophy for Children, siya ay nagpahayag ng ganito:
            Ang edukasyon bilang isang pananaliksik ay kumakatawan sa deklarasyon na ang pag-aaral ay nagmumula sa pagkakatagpo ng mga bagay na masalimuot, mga bagay na nag-uugnay sa kanilang patuloy na paghahanap ng kung ano ang makabuluhan, importante at puno ng intriga. Ang edukasyon na hindi binigyang-buhay bilang isang pagtalima sa pananaliksik ng isang masuliraning sitwasyon ay hindi magbibigay ng sapat na hasaang-isip sa mga mag-aaral.

Maging sa kasalukuyan, ang Edukasyon ng Pilipinas ay hindi pa rin lubos na naniniwala sa Pilosopiya, hindi sakop ng kasalukuyang kurikulum ang malawakang pagsasanay nito at ihanay ito bilang isang akademikong pag-aaral o gawing isang hiwalay na asignatura. Kahit na dumating na ang Pilipinas sa punto ng pagtanggap at  pagsusulong ng K-12 at magkaroon ng sapat na espasyo upang ikonsidera ito, nananatili itong isang pupugak-pugak na linya ng pagsasanay.

Nakatatakot ba ang pag-aaral at pagtuturo ng Pilosopiya sa elementarya? Dahil ba sa ito ay isang pananggalang sa panlilinlang? Saan bang dako ng ating pamumuhay namamahay ang panlilinlang? Sa palengke, sa simbahan, sa eskwelahan, sa gobyerno, sa mga huwad na balita (fake news), sa paligid, sa internet o maging sa loob ng ating tahanan?

Hindi mauunawaan ng mga batang Filipino kung ano ang karapat-dapat na pagkilos sa isang sitwasyong hahamon sa kanilang kakayahan upang umunawa kung hindi sila sinanay sa mahusay na pag-iisip. 

Ang Pilosopiyang Pambata ay sumasakop sa katuruan ng pagkakaisa, pang-unawa, panunuri at paglikha. Ang mga batang sinanay sa makatwiran at mapang-unawang pagtingin sa mga pangyayari sa kanyang paligid ay hindi basta napaaanod sa mga propaganda. Ang mapanuring kaisipan ay sandata nila laban sa mga manlilinlang.

Philosophy for Children is not a field of learning to outsmart older people. Ang Pilosopiyang Pambata ay hindi nagtuturo ng pamimilosopo o intensyonal na walang paggalang sa awtoridad o nakatatanda bagkus ito ay ginagamit upang umunlad ang paraan ng pagtuturo at pagkakatuto ng mga guro at mag-aaral. Ang Pilosopiyang Pambata ay may adhikaing makapagtaguyod ng isang komunidad upang linangin  ang kaisipan ng mga susunod na henerasyon.

Copyright 05Sept2018
drjohniecuison.blogspot.com

#Philippines #Philosophy #Children #P4C #child #bata #learning #school #K-12 #teacher #student #community #inquiry #philo #education #dialogue #Filipino #age #questions #generation #animals #think #monkey #cat #dreams #sleep #mother #father #classmate #thinking #class #time #theory #evolution #Bohm #Lipman #UP #Diliman 



No comments:

Post a Comment

From SURIGAO to SIARGAO

#UCCP MISSION TRIP  #April 2019