Minsan may mga bagay sa buhay ng tao na hindi na dapat pang pansinin o susugan pa ng init upang salungatin, ngunit kung minsan ay hindi ka mapalagay dahil ang usapin ay sumasaling sa iyong pagkatao. Tulad na lamang ng usapin kamakailan lang tungkol sa ating Pambansang Awit na LUPANG HINIRANG.
Makalipas ang ilang taon matapos na paslangin ang PANATANG MAKABAYAN, eto na naman tayong muli sa ating paglapastangan. Sa mga hindi nakaalaam na binago na ang Panatang Makabayan, alamin ninyo sa mga mag-aaral na nasa elementarya at sekundarya ang bagong bersyon nito, at pakiramdaman ninyo kung kayo ay dapat na matuwa. Tanong lamang po, hindi man lamang ba naisip ng mga kasalukuyang paham na ibinuhos ng mga manunulat ang kanilang buong damdamin ng isa-titik nila ang bawat linya ng ating Pambansang Awit?
MGA, ang aking turan, dahil hindi lamang isang tao ang nagbigay-buhay sa ating Lupang Hinirang. Mayroon din itong transisyon at ebolusyong pinagdaanan, bago ito naging ganap sa kanyang esensya upang ihandog sa ating lahi.
Negatibo ang dating sa ilang nagmamarunong ang huling linya ng Lupang Hinirang. Bakit, kailan ba ito kinatha, hindi ba nung panahong ang Pilipinas ay nasa gitna ng digmaan? Ikumpara ninyo ang kanilang pakiramdam noong mga panahong yaon at ang pakiramdam natin sa ngayon. Kung kayo ay isang kompositor, ano ang namamahay sa inyong puso't damdamin?
Kung magiting na nagawa ng mga sinauna nating lahi na ipaglaban ang bansang Pilipinas sa kamay ng mga dayuhan, mas higit nating ipaglaban ang ating kalayaan sa kapwa-Pilipinong nasa pamahalaan na bigo sa pagpapatupad ng kanilang mga naging pangako na mapabuti ang ating kasalukuang kalagayan.
Kung hindi kumbinsido ang ilan sa saysay ng ating mga literatura, bakit hindi na lamang isantabi ang yaman ng ating lahi at ilibing ito sa baul ng pagkalimot. Gumawa na lamang ng makabagong Pambansang Awit sa halip na ang ating kasaysayan ay isalang sa timbangan ng dagdag-bawas. Subukan ninyong ipasok ang bagong bersyon sa ating kasalukuyang panahon, at ng inyong malaman kung gaano kahungkag ang anumang komposisyon para sa nasyonalismo kung wala itong angking silakbo at kasaysayan.
Kayo ba ay naging bahagi ng digmaan nina Rizal, Aguinaldo, Mabini at Del Pilar laban sa mga Kastila? Niyurakan ba ang inyong pagkatao, ang inyong pagka-Pilipino? Kung hindi, Saan kayo kumuha ng karapatan na ipagwalang-bahala ang kanilang mga naging sakripisyo para sa bansang Pilipinas?
Isa pang tanong, hindi ba't masakit para sa isang kompositor ng musika na ipamukha sa kanya ng kapwa niya kompositor na tila negatibo ang naging mensahe niya sa nilikha niyang awitin? Hindi ba't masakit ding isipin na hindi na kayang ipagtanggol nina Ginoong Jose Palma, Osias-Lane at Ginoong Felipe de Leon ang kanilang mga sarili dahil matagal na silang namayapa?
ANG MAMATAY NG DAHIL SA 'YO ay hindi lamang pisikal ang aspeto. Namamatay din ang kasarinlan, pagkakakilanlan, karunungan, at pagkatao. Kung kaya't bago pa man ito umabot sa huli nitong buntong-hininga, ito ay ipinaglalaban!
Copyright 2018.
drjohniecuison.blogspot.com
#Nationalism #Nation #Philippines #Filipino #Pinoy #Love #Country #Life #Death #Hero #Fight #War #Rizal #Aguinaldo #Mabini #DelPilar #Anthem #Land #Composer #Composition #Song #Justice #heart #time #generation #sacrifice #independence #wisdom #humanity #Honor #flag #October #united #youth #share #physical #students #education #school #study #group #moments #history #generation #evolution #opinion #issue #talk #chat #millennial

No comments:
Post a Comment