Wednesday, September 26, 2018

GURO: ISANG PAGHAMON SA IYONG DANGAL

Isinulat ni Dr. Johnie Cuison para sa Pagdiriwang ng World Teachers' Day

Kailan mo namalayan na nais mong maging guro?
Ito ba'y iyong pangarap o ang mga magulang mo ang nangarap?
Dahil kung hindi taos sa puso, diwa at kaibuturan
Ikaw ay magliligaw ng maraming kinabukasan.

Ikaw ba ay nangako na magsisilbing tunay,
Mahabang panahon man ang hingin nito sa iyong buhay?
Mananatili ka bang tapat sa 'yong pinanumpaan,
Na magsilbing ilaw sa mga batang sa aral ay uhaw? 

Hindi biruan ang maging isang tagapaglingkod
Lalu pa't lakas at talino mo ang iyong isusugod
Ito'y isang larangang kapos sa pasasalamat
Kapag ang panahong ang mga bata'y handa na sa paglipat.

Kung nais mong ika'y maging karapat-dapat
At kapi-kapitagan sa mata ng iyong mga anak
Pakaingatan mo ang iyong ngalan sa lahat ng oras
Sa mundo man ng mga musmos ay gising din ang paghamak.

Tandaan mo kung sino ka, at huwag kang maligaw
Huwag kang magpagamit sa anumang balisawsaw
Sa eleksyon man o sa simpleng taginting ng salapi
Dahil walang tutumbas sa dangal ng iyong lipi.

Ipasa mo ang iyong kaalaman ng walang pagiimbot
Ang susunod nating lahi'y sa iyo nakakumot
Ang ginaw ng kamangmangan ay initan mo ang tindi
Ng ang mga bata'y maging dilat sa pag-intindi.

Huwag mong hayaang ang mga bata'y mas matalino pa sa iyo,
Ang pagkadalubhasa'y patuloy at walang hangganan,
Mag-aral ka ng higit pa sa iyong kasalukuyang alam
Upang taas-noong salubungin anumang agam-agam.

Igalang ang 'yong suot baro't saya man o uniporme  
Sagisag nito ng iyong pagkaresponsable
Maging maingat sa 'yong gawi, salita at gawa, 
Ika'y salamin at pamantayan ng mga bitbit mong bata.

Ikaw ay Gurong huhubog sa kinabukasan
Ang iyong pagwawalang-bahala'y masalimuot ang kahihinatnan
Hahayaan mo bang ang Pilipinas ay sumunod na lamang
At walang-malay na kumapit sa pag-asa ng panlilinlang? 

=   =   =   =   =   =   =   =
Copyright 2018.  drjohniecuison.blogspot.com

#teachers #love #Filipino #Philippines #World #day #students #children #school #education #guro #nationalism #country #nation #service #respect #future #pupils
#you #yours #mind #wisdom #intelligence #work #responsible #attire #teens #study #chat #group #eyes #ways #road # dreams #vision #mission #simple #heart #dignity #challenge #pride #beproud #yourateacher







Tuesday, September 11, 2018

GOYO: ANG BATANG HENERAL

Isang Pagbalik-Tanaw sa Kasaysayan ng Ating Lahi
Ang aking pagiging guro ang nag-udyok sa akin upang panoorin ang pelikulang GOYO: ANG BATANG HENERAL. Masasabi kong hindi ako nabigo sa aking namasdan mula sa pagganap ng mga tauhan at sa dedikasyon ng mga manunulat. 
Nakalulungkot lang isipin na sa tagal ng panahon, ang bansang Pilipinas ay hindi natuto sa kanyang mga pinagdaanang pananakop. Mula sa mga kamay ng Espanya at Amerika ay nananatili tayong "Indio" at "Little Brown Brother."
Kailan magiging ganap ang ating paggising?
Bakit nga ba parang napakailap para sa atin ang lubos na pagkakaisa?

Ipinamalas ng pelikula ang maraming dahilan kung bakit hindi ganap ang ating pagkakaisa, ito ay ilan lamang sa mga ipinaramdam ng pelikula: 
Hindi pantay na antas ng buhay, hindi pantay na antas ng pinag-aralan, motibong personal, nepotismo, hindi taos sa puso ang pagiging makabayan, kanya-kanyang sistema, pagkilala sa batas ng mananakop, at pananakit ng patalikod (backstabbing) Mga sangkap na maaaring naging dahilan din kung bakit naging tahimik ang mga manonood matapos ang pelikula. Mahirap minsan tanggapin ang katotohanan. Ito ang tunay na kasaysayan ni Gregorio Del Pilar na isinalaysay ng walang pagpapanggap at pagtalikod sa katotohanan. Noon pa man sana'y ipinaliwanag na ito sa mga mag-aaral ng hindi na nagbigay pa ng iba pang katuruan.

Sinanay tayo ng mga bansang-mananakop sa sarsuwela ng buhay hanggang sa unti-unti nating malimutan ang ating tunay na pagkatao. Pag-aralan natin ang ating kasalukuyang kalagayan. Mula sa ating tahanan patungo sa haligi ng ating pulitika at ekonomiya, napansin nyo bang walang ipinagkaiba? Nabago lang ang mga tau-tauhan?

Ako ay naniniwala na ang mga Filipino ay hindi nakalaan para sa madugong digmaan. 
We were born to give life to poetry of love and peace and fight for what is right by just using our pen in the battlefield, DR. JOSE RIZAL already proved that. Higit na matalas ang panulat kung ihahambing sa panugat. Again, the problem lies on the same fate, HINDI HASAAN NG GANITONG LARANGAN ANG ATING MGA PAARALAN. Isipin mo na lamang na nang mapasakamay ng mga Amerikano ang bulsikot ni Heneral Goyo, wala silang matatagpuang polyeto ng digmaan sa halip ay mga sulat ng pag-ibig (love letters).

Sana ay magtuloy-tuloy ang paggawa ng ganitong mga pelikula kung saan ipinararamdam ang tangi nating pagkakakilanlan. Nakapagpapanatag ng saloobin na alamin ang tunay nating kasaysayan gaano man ito kamasalimuot. Maituro sana sa bagong henerasyon ng mga kabataan ang tunay na kasaysayan ng ating lahi, at ito ay nakasalalay sa mga mananaliksik na handang gumugol ng panahon para sa ikalilinang ng isipan ng mga batang mag-aaral, na kung dumating man sa kanilang buhay ang ganitong kalagaya'y hindi maging balakid ang kanilang kabataan.

Maraming Salamat GOYO!

Copyright2018.
drjohniecuison.blogspot.com

#GOYO #DelPilar #bayani #battle #Tiradpass #Gregorio #Aguinaldo #America #oppression #war #movie #cinema #history #Philippines #PHL #hero #youth #education #school #students #Rizal #Mabini #Spain #Luna #Indio #Little #Brown #Brothers #General #Heneral #Henerasyon #Generation #Nationalism #Patriotism #makabayan #bayan #love #country #nation #lahi #ancestors #race #peace 








Wednesday, September 5, 2018

PILOSOPIYA PILIPINAS: PAGGISING SA KAISIPAN NG BATANG FILIPINO

Makatutulong ba ang Pilosopiya na masanay ang mga batang Filipino na gamitin ang kanilang isip sa pag-iisip?
Kung ibabatay ko sa aking naging pag-aaral ng Pilosopiya gamit ng Dayalogo ni David Bohm sa mga batang nasa 10 hanggang 12 taong gulang, masasabi kong may kakayahan ang mga batang Filipino na magtanong at umunawa ng mga bagay-bagay na nangyayari sa kanyang pamilya at kapaligiran. Ang kakayahang ito ay mapalalawig pa, kung ito ay pakikinggang mabuti at hindi ipagwawalang-bahala ng mga nakatatanda. Huwag nating kalimutang ang mga bata ay patuloy na magtatanong dahil ito ay isa sa kanilang mga likas na katangian. Katangiang ayon sa mga naunang pananaliksik ay taglay na nila kahit na sa murang gulang na 4 na taon.

Naranasan na natin na tayo'y minsang tanungin nang isang bata ng katanungang hindi natin masagot o kaya naman ay naging atubili tayo sa pagsagot. Mga tanong na minsa'y nagparamdam sa atin ng tuwa. Kadalasan, hindi natin inaasahang manggagaling ang mga ganitong tanong sa isang musmos, ngunit nagagawa nilang ang matatanda'y mamangha.  Ang mga ganitong katanungan ay nangangahulugan na ang mga bata ay may pagnanais na intindihin ang mga bagay-bagay na naglalaro sa kanilang isipan. Ito ay isang senyales ng Pilosopiya sa murang kaisipan na kung bibigyan natin ng puwang at nararapat na atensyon ay makapagbibigay sa mga batang mag-aaral nang isang pagsasanay na makalilinang ng kanilang isipan.

Tulad ng mga tanog na:
Nakita nang isang 5 taong gulang na bata na tila naghihintay ng pagkain ang kanilang alagang pusa kaya naitanong niya sa kanyang Tatay:
"Tay', Nakapag-iisip ba ang mga hayop?"

Sa isang hapag-kainan,  isang 7 gulang na bata ang nagtanong sa kanyang Nanay:
"Nay', Bakit tayo nananaginip?"

Sa isang Science class na pinaguusapan ang Evolution Theory,
Tanong ng isang 10 taong gulang na estudyante:
"Kung ang tao ay galing sa unggoy, bakit may unggoy pa?"

Si Matthew Lipman ay isang alagad ng Pilosopiya. Siya ang nagtatag ng Philosophy for Children noong 1972. Batay sa kanyang mga naging pag-aaral ng P4C o Philosophy for Children, siya ay nagpahayag ng ganito:
            Ang edukasyon bilang isang pananaliksik ay kumakatawan sa deklarasyon na ang pag-aaral ay nagmumula sa pagkakatagpo ng mga bagay na masalimuot, mga bagay na nag-uugnay sa kanilang patuloy na paghahanap ng kung ano ang makabuluhan, importante at puno ng intriga. Ang edukasyon na hindi binigyang-buhay bilang isang pagtalima sa pananaliksik ng isang masuliraning sitwasyon ay hindi magbibigay ng sapat na hasaang-isip sa mga mag-aaral.

Maging sa kasalukuyan, ang Edukasyon ng Pilipinas ay hindi pa rin lubos na naniniwala sa Pilosopiya, hindi sakop ng kasalukuyang kurikulum ang malawakang pagsasanay nito at ihanay ito bilang isang akademikong pag-aaral o gawing isang hiwalay na asignatura. Kahit na dumating na ang Pilipinas sa punto ng pagtanggap at  pagsusulong ng K-12 at magkaroon ng sapat na espasyo upang ikonsidera ito, nananatili itong isang pupugak-pugak na linya ng pagsasanay.

Nakatatakot ba ang pag-aaral at pagtuturo ng Pilosopiya sa elementarya? Dahil ba sa ito ay isang pananggalang sa panlilinlang? Saan bang dako ng ating pamumuhay namamahay ang panlilinlang? Sa palengke, sa simbahan, sa eskwelahan, sa gobyerno, sa mga huwad na balita (fake news), sa paligid, sa internet o maging sa loob ng ating tahanan?

Hindi mauunawaan ng mga batang Filipino kung ano ang karapat-dapat na pagkilos sa isang sitwasyong hahamon sa kanilang kakayahan upang umunawa kung hindi sila sinanay sa mahusay na pag-iisip. 

Ang Pilosopiyang Pambata ay sumasakop sa katuruan ng pagkakaisa, pang-unawa, panunuri at paglikha. Ang mga batang sinanay sa makatwiran at mapang-unawang pagtingin sa mga pangyayari sa kanyang paligid ay hindi basta napaaanod sa mga propaganda. Ang mapanuring kaisipan ay sandata nila laban sa mga manlilinlang.

Philosophy for Children is not a field of learning to outsmart older people. Ang Pilosopiyang Pambata ay hindi nagtuturo ng pamimilosopo o intensyonal na walang paggalang sa awtoridad o nakatatanda bagkus ito ay ginagamit upang umunlad ang paraan ng pagtuturo at pagkakatuto ng mga guro at mag-aaral. Ang Pilosopiyang Pambata ay may adhikaing makapagtaguyod ng isang komunidad upang linangin  ang kaisipan ng mga susunod na henerasyon.

Copyright 05Sept2018
drjohniecuison.blogspot.com

#Philippines #Philosophy #Children #P4C #child #bata #learning #school #K-12 #teacher #student #community #inquiry #philo #education #dialogue #Filipino #age #questions #generation #animals #think #monkey #cat #dreams #sleep #mother #father #classmate #thinking #class #time #theory #evolution #Bohm #Lipman #UP #Diliman 



From SURIGAO to SIARGAO

#UCCP MISSION TRIP  #April 2019