Saturday, March 16, 2019

ELEKSYON 2019



"OUR LIVES BEGIN TO END THE DAY WE BECOME SILENT ABOUT THINGS THAT MATTER" Martin Luther King, Jr.

As of January 31, 2019 Comelec names 63 candidates for 2019 senatorial elections, including a former senator facing perpetual disqualification, and the other candidate facing 2 petitions. Kung sino man sila, inyong alamin at kung bakit kasama pa rin sila sa pagpipilian, kayo ang mag-isip. 

Kung ako man ay boboto sa nalalapit na "senatorial elections" pagmamasdan kong mabuti ang mga aspiranteng nagnanais maglingkod sa sambayanang Filipino. Marami sa kanila ang matagal nang sawi sa paglilingkod sa bayan ngunit nagnanais pa ring manumbalik sa luklukan ng kapangyarihan. Kapangyarihan na ginagamit hindi upang paglingkuran ang taong-bayan kundi gamitin ito laban sa kanyang karapatan at kaginhawahan. Kailan tunay na maramramdaman ng mga Filipino na labis na ang lahat? Kailan mararamdaman ng sambayanang Filipino na sagad na ang ating pagwawalang-bahala sa tatahakin ng ating kinabukasan at maunawaan na ang misteryo ng "name recall" ay isang uri ng "brainwashing".  
Sapat na ba ang 500 o 1000 piso para ipagpalit mo ang iyong karapatan?
Ganito ba ang kahulugan sa iyo ng pagiging praktikal? Kung tatanggapin mo man ang mga halagang ito at sasabihing "hindi naman siya ang iboboto ko" hindi ba't pareho lang kayo kung tutuusin?

Ang pulitika natin sa Pilipinas ay parang sarswela. Ang mga nagsisiganap ay pawang mga beteranong aktor sa pinilakang-tabing. Hinahangaan kahit na barumbado, iniidolo kahit na nakulong dahil sa korupsyon, iginagalang kahit na bastos, pinagpipitagan kahit na hindi sapat ang kaalaman at kakayahan at nagbabaka-sakali sa muling paglahok kahit na ang kanyang buhay ay nalalapit na sa takip-silim, "YOUR HONOR" ang sambit nga natin. Ang ating pulitika ay isang balwarte ng mga karerista na walang nais na huminto, walang nais na magbigay-puwang sa mga bagong dugo na hindi kaalyado, kaangkan o kapamilya. 

Marami sa kasalukuyan nating mga pulitiko ang sa atin ay nangako ng magandang bukas nang paulit-ulit. Karamihan sa kanila ay nasilaw, nadapa at nakalimot. Mga pamilyar na pangalang kaytagal ng naroon, umiikot lamang at pilit na nanunumbalik. Parang sakit na simpleng ubo at sipon ngunit walang katapat na gamot. Mga mukhang nakasasawa nang pagmasdan sa poster man o sa telebisyon. Mga pagsagot nila sa panayam na salat sa katalinuhan kaya't hindi kahanga-hanga.  Kailan sila titigil sa pagbabangayan sa senado? Kailan natin sila makikitang nagkakasundo at nagpaplano para sa ikabubuti ng bayan? Kailan titigil and demandahan nila sa bawat isa? Kailan matitigpas sa puno ng niyog ang bunga ng balimbing?
Kung nararamdaman mo na paulit-ulit lamang ang lahat, at ang susunod na yugto ng iyong buhay ay muli na namang aasa sa wala, iboboto mo pa ba sila ulit?

Nasaan ang mga bagong sibol?
Nasaan ang tinaguriang mga "pag-asa ng bayan"?
Nagkamali ba si Dr. Jose Rizal sa kanyang hinagap?
O ang "pag-asa ng ating bayan" ay sadyang iniligaw?

Ang mga dugong nananalaytay sa ugat ng ating pulitika ay nanuot na, kaya ang sambayanang Filipino ay nakararamdam na ng pag-iigting at nahihirapan na sa paghinga. Kung ako ang tatanungin, kung sinong labindalawa ang dapat nating pillin? Narito ang ilang alituntunin:
Ang bawat lehitimong Filipino ay dapat iboto kung sino ang tunay na Filipino, walang "dual passport", hindi kabi-kabila ang negosyo, hindi subsob sa "sports" dahil hati ang atensyon, hindi nakulong at naabswelto, hindi labis sa isa ang asawa, may kaalaman sa batas at kakayahan sa pagpapatupad nito, hindi kayang silawin ng salapi, may pagmamahal sa taumbayan at hindi abusado sa kapangyarihan at higit sa lahat may pagsunod sa saligang batas ng Diyos.

Ito ang mga panahon na naalala ko si Senator Miriam Defensor Santiago sa taglay niyang katalinuhan at sa mga sinabi niyang kataga:

"Ang dami-daming pinagsasasabi pero hindi naman nagbabasa. The problem with some of our politicians is that they are illiterate" - her criticizing politicians who are clearly not qualified to run for office.

"Change the Charter so that only taxpayers will be allowed to vote" - her proposal to stop patronage politics.

Itataya mo bang muli ang susunod na anim na taon ng iyong buhay sa kamay ng mga pulitikong ito, nang hindi ka nag-iisip?


#Senators #Election2019 #Vote #Senador #PartyList #Pinas #Phl #Philippines #Politics #Taxpayers #Citizens #Netizens 

From SURIGAO to SIARGAO

#UCCP MISSION TRIP  #April 2019