(Originally written in Filipino, please do not use English Translator)
Ilang tao na ang iyong nakilala dahil sa iyong malawak na pagbabasa?
Mga taong nagbigay inspirasyon, sumubok sa iyong kakayahan at nag-iwan ng tanong sa iyong kaisipan.
Mula sa aking akademikong pag-aaral, nakilala ko ang maraming manunulat na nagbigay ng kanilang linang at ekspertong pananaw sa larangan ng edukasyon at pilosopiya. Nagisnan ko ang kahalagahan ng mas makatuturang pag-iisip. Ngunit gaano ko man bigyan ng atensyon ang kanilang sanga-sangang interpretasyon at dayalogo, humahantong ang lahat sa mas lalong pag-iisip. Sa gitna ng maraming aklat na pampukaw ng kamalayan, iisa lamang ang nakilala kong tapat sa kanyang mga naging pahayag at sumubok sa esensya ng nagbabagong panahon.
Isa din siyang guro.
Nag-iisa sa pagtuturo ng katotohanan sa panahon ng mga tiwaling propeta na naglalayo sa sangkatauhan upang makilala ang tunay na Diyos. Siya ay puno ng makatwirang paghusga, hindi naging salat sa katalinuhan at hindi kailanman nagbigay-kontradiksyon sa bawat niyang naging katuruan. Hindi niya ikinubli sa kanyang pagsasalaysay ang tunay na anyo ng buhay. Ipinakilala ang ibat-ibang tauhan sa Banal na Aklat ng tapat at may presisyon.
Si Hesus lamang ang nagturo ng lohikal na doktrina ng pagkakaligtas at nagbuwis ng buhay para sa sanlibutan. Walang papantay pag sama-samahin man ang lahat ng matatalinong tao sa mundo maging ang sinasamba ng mga Katolikong si Birheng Maria at iba pang rebulto at sa taong nasa Vatican na tinaguriang Santo Papa.
Mawalang-galang na po, dahil ang sabi ko nga po ay tao. Tao at hindi Diyos!
Sino sa aking mga hinangaang tao ang magbubuwis ng buhay upang ako ay maligtas?
Maaari mo bang sabihing ang iyong hinahangaang manunulat ay isang Guro ng Katotohanan o isang Gurong Mapagpatawad?
Hindi ako nagmamalinis, ako man ay nagkakamali din, naiinis at sumisimangot. Nagagalit at minsa'y hirap magpatawad. Bilang isang tao ito ang aking kahinaan. Kahinaang hindi ko nasumpungan sa pagkatao ni HesuKristo.
Si Hesus lamang ang indikasyon ng isang buhay na walang bahid.
Isang katangi-tanging katangian na siya lamang ang may angkin at dapat na mithiin ninuman. Isang Pangalang namutawi bilang isang Banal na Salita sa Labi ng Isang Mapagpalang Diyos Ama.
(cuisonjohnie@gmail.com Writings 2017 #02)
No comments:
Post a Comment