Wednesday, October 17, 2018

BIRO-BIRO ANG SIMULA ANG WAKAS PALA AY ANO?

BIRO-BIRO ANG SIMULA ANG WAKAS PALA AY ANO?
(Isang Linya Galing sa Katutubong-Awiting Katakataka) 

Bagamat hindi ko napanood at ito'y nabalitaan lang, alam kong biro lamang ang sinabing suhestyon ni Vice Ganda tungkol sa pagpapalit ng ilang linya sa ilang katutubong awitin (folk songs) sa pantanghali nilang programa na It's ShowTime. Naging epektibo man ito upang tayo'y patawanin, nais ko lang linawin na ang anumang seryosong bagay na dinaan sa katuwaan ay maaaring magligaw sa tunay na layon ng usapin.

Ang nakatatakot na maaaring mangyari ay baka seryosohin ng mga opisyales ng ating pamahalaan at ng ibang nagmamarunong na patulan ang pabirong-komento ni Vice at palitan nga ang mga huling linya ng LERON LERON SINTA, MAY PULIS SA ILALIM NG TULAY at SITSIRITSIT ALIBANGBANG at akalaing ang mga lirikong inilapat sa mga awiting nabanggit ay walang saysay o kabuluhan.   

Bago pa man sana tangkaing paglaruan ang ating mga katutubong-awitin ay maunawaan muna sana, na ang mga ito ay hindi isinulat sa payak na pamamaraan. Pakaisipin na ang bawat liriko na ginamit ay may angking katuruang-pilosopikal at ang bawat kahulugan ng mga ito ay sumasakop sa ating kultura at pamumuhay.

Tulad ng iba pang awiting SARANGGOLA NI PEPE, ANG PIPIT, ANG KAWAWANG KOWBOY, PARU-PARONG BUKID, MAGTANIM AY DI BIRO, BAHAY KUBO at marami pang iba, ang mga awiting ito ay nagmula sa inspirasyon ng mga manggagawang Pilipino. Hindi pa kasama dito ang mga rehiyonal na katutubong-awiting tulad ng DANDANSOY, ARIMUNDING-MUNDING, SARUNGBANGGI etsetera.

Ang mga katutubong-awitin ay may taglay na pilosopikal na katuruan. 
Sa dayalogong-pilisopikal na pambata, ang mga katutubong-awitin ay isang hitik na behikulo na maghahatid sa mga mag-aaral sa mga usapin ng buhay, at ito ay epektibo upang sanayin at turuan ang mga kabataan na gamitin ang kanilang isip sa makabuluhang pangangatwiran. 

Narito ang isang halimbawa nang naging dayalogo namin sa aming paaralan.
Gamit ang awiting SARANGGOLA NI PEPE. Hiniling ko sa mga mag-aaral sa Ikatlong Baitang na idayalogo kung ano ang pagkakaunawa nila sa ikalawang apat na linya matapos nilang marinig ang awitin. (Nakasulat sa pisara ang buong liriko ng awitin).

Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe
Matayog ang pangarap ng matandang bingi
Hinuli ang ibon, pinagsuot ng pantalon
Tinali ng pisi, hindi na nagsinturon
Dumaan ang jeepney at gumuhit pa sa kalye
Mauling ang iniwan hindi na tinabi

Naging Dayalogo;
M3 - Titser pwede bang magsuot ng pantalon ang ibon?
M7 - Bakit ganun?
M1 - Pwede! Bakit yung aso ng kapitbahay namin may damit?
M10 - Tama, may shoes pa nga, tsaka diaper.
M7 - Ano yun tao?

Ang pilosopikal na dayalogong pambata ay isang pagsasanay na hindi naghahangad ng tamang kasagutan. Sinasanay ng dayalogong-pilosopikal ang mga bata na maging mapanuri at sama-samang pag-aralan ang mga usaping masalimuot na nagangailangan ng lohikal na katwiran. Sa ganitong mga pagsasanay malaki ang kontribusyong maibibigay ng mga katutubong-awitin upang linangin ang kanilang kaisipan. 

Ayon sa mga naging pag-aaral ng musika, karamihan sa mga awit bago pa man ito naging sikat at nakilala ay isinulat muna bilang mga tula. May bilang, may ritmo,may sintunog, may saliw, kung kaya't hindi dapat ipagwalang-bahala ang katuturan ng mga katutubong-awitin.  Ang katuwaan, naglalaman man ng sapat na katwiran ay magliligaw sa tunay na anyo ng buhay, at ang pasaring na biro ay hindi direktang mauunawan dahil mapagkakamalang ito ay isang palabas lamang.

Alam nyo ba na mayaman ang Pilipinas sa katutubong-awitin? Mga likhang-Pilipino na makapagbibigay sa atin ng kapanatagan kung matututunan nating awitin at suriin.
Ang mga katutubong-awit ng Pilipinas ay mga palaisipan, na sa atin ay gumagabay upang higit nating makilala ang ating mga sarili. Sumasalamin ang mga ito sa pangaraw-araw nating pamumuhay at nagbibigay ng kagaanan nang loob gaano man kamasalimuot ang ating kasalukuyang kalagayan.  

Copyright 2018.
drjohniecuison.blogspot.com

------------------
Sanggunian (Reference):
CUISON, JOHNIE DR. 2014. UP Diliman, Main Library & UP College of Education. DAYALOGONG-PILOSOPIKAL: PAGTATAGUYOD NG MAPANURING KOMUNIDAD SA MGA BATANG MAG-AARAL NA FILIPINO.
-------------------

#songs #folk #country #Filipino #Phil #P4C #Philosophy #Children #Child #Library #University #College #School #Education #students #pupils #Regional #local #dialogue #conversations #chat #group #Vice #show #ganda #time #day #serious #talk #practice #grade #level #teens #poem #rhythm #tune #lyrics #writings #community #joke #fun #count #MAPEH #subject #creation #composition #teacher #kite #TV #radyotv #radio #communication #program #DepEd #CHED #selfie #topic #theme #news 





No comments:

Post a Comment

From SURIGAO to SIARGAO

#UCCP MISSION TRIP  #April 2019