Monday, August 6, 2018

 #sss  #philhealth  #BIR  #publicservice
https://www.facebook.com/1501290316598511/posts/1895531860507686/

Huling Linggo nang Hunyo 2018, nakatanggap ang aming paaralan ng liham mula sa ahensiya ng SSS. Hiling nila na ako'y makipagkita sa kanilang tanggapan at dalhin ang "Original Bank Receipts, SSS Payment forms & Collection List" ng aming mga empleyado simula pa noong taong 1999 - labing siyam na taon na ang nakalilipas. Babala pa ng liham na kung hindi ko maipakikita ang orihinal na kopya, malaki daw ang magiging multa ng aming dapat bayaran. Sila daw ay napagutusan na "mag-audit" ng naging transaksyon ng mga kumpanya sa SSS. Ang inyong kumpanya ay isa din kaya sa mga nabulabog ng ganitong sitwasyon?

Dinala ko agad sa tanggapan ng SSS Pasig Rotonda ang mga orihinal na dokumentong kanilang hiling, simple lang ang kanilang sinabi:
"KUMPLETO BA YAN? PATINGIN NGA, ANG BILIS MO NAMAN KAHAPON LANG YAN IPINADALA." Hindi ko malaman kung ako ay binibiro o pinasasaringan.

Ang akala ko paglabas ko sa kanilang tanggapan ay tapos na ang misteryong ito, hindi pa pala, hindi pa natatapos ang isang linggo, ahensya naman ng PHILHEALTH ang nagpadala ng liham at ganoon din ang hinahanap, mga dokumento at resibo ng PhilHealth Contributions ng aming mga empleyado simula pa noong 1999, mabuti na lamang at naisalba namin ang mga lumang dokumento at resibo ng aming paaralan kahit na kami ay sinalanta ng bagyong ONDOY walong taon na ang nakalilipas, kaya naipakita ko ang lahat ng kanilang kailangan.

Sa pagbisita ko sa tanggapan ng SSS at PhilHealth, nalaman ko na hindi pala ako nagiisa. Maraming kumpanya ang ganito rin pala ang sitwasyon, kasama ang kanilang mga abogado, bitbit nila ang mas maraming dokumento sa pila. Tanong lang, paano ang mga kumpanyang binaha o nasunugan ng mga resibo at dokumento?

Dumating ang buwan ng Hulyo, tumawag ang ahensya ng B.I.R. sa bahay ng kapatid ko at hinihiling na makipag-ugnayan sila sa kanilang opisina dahil may kulang daw sa kanilang pagbabayad para sa taong 2018 gayong hindi pa tapos ang taong 2018. Hinahanap ang payment ng bagong tinatawag na 1701-Q. Mabuti na lang at updated ang aking kapatid sa mga bagong patakaran ng B.I.R.

Makalipas ang isang Linggo, muli akong bumalik sa tanggapan ng SSS Pasig Rotonda. Bitbit ang iba pang dokumento noong 1999 para magusisa kung naUPDATE na nila ang mga naibigay kong kopya ng mga resibo na hinahanap nila at para malaman ko kung may iba pa silang kailangan para magkaroon ang aming kumpaya ng SSS CLEARANCE at muli silang nagtaka dahil kumpleto ang mga papeles ng aming mga naging transaksyon.

Upang maging maliwanag sa inyo ang mga nakapanlulumong sistema at kakayahan ng mga bagong "public servants" - narito ang isang simpleng halimbawa:

Alas kwatro pa lang nang hapon, nang may isang babaeng senior citizen ang humingi ng tulong dahil nais niyang magpa-retroactivate ng kanyang voluntary contribution. Dinig ko ang kanilang naging usapan, at ganito ang kanilang naging paliwanagan:

Matanda: Papaano po yun hindi ko po nabayaran yung para sa Month of MAY at MONTH of JUNE na contribution ko kasi wala pa akong pera non, pwede ko na po bang bayaran ngayon?

Sagot ni Ms. SSS - Ay naku! basta bayaran nyo na lang po ang JULY, sige po pumunta na kayo sa kabilang lamesa at may iba pa akong kakausapin.) Sinabi niya ito ng may pagmamadali)

Nais ko sanang tulungan ang ale at sabihing hindi pwede ang retroactive payment, isang sagot na dapat ipinaliwanag nang maayos ng empleyado ng SSS, ngunit ako man ay may inaasikaso din sa loob mismo ng tanggapan ng SSS. Dalawang pirasong papeles lang tungkol sa maternity leave hindi rin maasikaso ng mabilis. Napakatagal na binusisi ang kopya ng "ULTRA SOUND" ng aming empleyado, na para bang ang "receiving clerk" ay may sinisipat na kung ano. 

Ako naman po ay nagtatanong lang?

Bakit sa tagal ng panahon hindi naging magaan ang proseso at sistema ng mga ahensiya ng pamahalaan pagdating sa public service?

Bakit may mga nakaupo sa upuan ng mga ahensiya ng gobyerno na hindi sapat ang kakayahan na sumagot ng mga simpleng tanong na malaki ang maitutulong sa mamamayan?

Isipin na lamang na balak ng ating pamahalaan na taasan pa ang kanilang sahod at nagbabadya pa ang 14th Month Pay na papasanin ng mga taxpayers. 
Haaay! Ang buhay ng Pinoy.

#SSS #Philhealth #BIR #Pagibig #gobyerno #Pinoy #gov #taxpayers #company
#employees #Pilipinas #publicservice #bank #receipts #contributions #maternity





No comments:

Post a Comment

From SURIGAO to SIARGAO

#UCCP MISSION TRIP  #April 2019